Fil-Am head coach ng Miami Heat, nasa Pinas
MANILA, Philippines - Dumating sa Pilipinas ang Miami Heat head coach na si Filipino-American Erik Spoelstra bilang United States sports envoy kahapon ng hapon.
Si Spoelstra ay lumapag dakong ala-1:05 ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport terminal 1 sakay ng Japan Airlines flight JL-744 mula Estados Unidos.
Kasama ni Spoelstra ang kanyang assistant coach na si David Fizlade nang dumating sa Pilipinas para sa isasagawang serye ng basketball clinic sa Zamboanga at Manila.
Bilang proyekto ng US Embassy sa Maynila sa mga kabataang Pilipino, kabilang sa misyon ni Spoelstra sa pagtungo sa Pilipinas ay para turuan ng personal ang mga out of school youth ang larong basketball at kahalagahan nito.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ng Fil-Am coach na natutuwa siya at muli na namang nakabalik sa Pilipinas kung saan ipinagmalaki nito na isang Pinay ang kanyang ina.
Aniya, sa loob ng isang linggong pananatili sa bansa ay kanilang ibabahagi ang kahalagahan ng larong basketball sa buhay ng tao lalo na sa mga kabataan. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending