Milo Marathon tatakbo sa Laoag at Cagayan de Oro
MANILA, Philippines - Dadako naman ang elimination ng 33rd National Milo Marathon sa Laoag at Cagayan de Oro sa linggo tampok ang 10,000 runners na maglalaban-laban para sa slot patungong national finals sa Manila.
May lumahok ng 10,000 runners sa Laoag na tatakbo sa apat na age categories, kung saan ang 21k ang main event. May karera din ng 3k, 5k at 10k.
Itinakda ng organizers ang 1:15 qualifying time para sa lalakeng runners at 1:30 sa kababaihan na siyang papasok sa national finals di gaya ng dati na ang top-three ng dalawang dibisyon ay awtomatikong pasok sa finals.
Ang mga runners na aabot sa qualifying ay papasok sa national finals bukod pa sa P10,000, P6,000 at P4,000 na makukuha ng top three runners sa men at women’s divisions.
Inimbitahan si former Gintong Alay Executive Director at ngayon ay Ilocos Norte Governor Michael Keon, na isa ring runner na magpaputok ng ceremonial fire-off sa alas-5:30 ng umaga sa 21K elimination run sa Laoag at dadaan ang karera sa main streets ng Laoag at matatapos sa loob ng Pres. Ferdinand E. Marcos Sports Complex.
Ang mga qualifiers sa 26 nationwide elimination races na suportado ng Department of Tourism at Manila Bay View Park Hotel at supervised ni director Rudy Biscocho ay magtitipon sa Manila sa October para sa finals kung saan ang men at women champions ay mag-uuwi ng P75,000 at handcrafted glass trophies.
- Latest
- Trending