MANILA, Philippines - Inihalintulad ni world flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. sa maalamat na si Roberto Duran si Rafael Concepcion ng Panama.
Sa panayam ni Dennis Prin-cipe sa kanyang ‘Sports Chat’ radio program sa DZSR 918 kahapon mula sa United States, sinabi ni Donaire na kapwa may malaking puso sina Duran at Concepcion.
“He’s like a Roberto Duran na malakas, laging pumapasok,” ani Donaire kay Concepcion. “But this guy is shorter than me pero malakas siya, matapang.”
Nakatakdang sagupain ni Donaire, ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight champion, si Concepcion para sa World Boxing Association (WBA) interim super flyweight championship sa Agosto 15 sa Hard Rock Cafe and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang unang pagkakataon na aakyat ng timbang ang 26-anyos na si Donaire, tubong Bohol ngunit lumaki sa General Santos City at ngayon ay nakabase sa San Leandro, California.
Tangan ni Donaire ang 21-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang taglay ni Concepcion ang 13-3-1 (8 KOs).
“The fight is pretty tough. He’s not afraid of anything, he’s not afraid of anyone,” sabi ni Donaire kay Concepcion. “When you get somebody in the ring with that kind of attitude, I’m gonna try my best.”
Matagumpay na naidepensa ni Donaire ang kanyang IBF at IBO flyweight titles laban kina Mexican Luis Maldonado, South African Moruti Mthalane at Mexican-American Raul Martinez.
Isa naman si AJ “Bazooka” Banal sa mga naging biktima ng 27-anyos na si Concepcion mula sa kanyang 10th-round KO noong Hulyo 26 ng 2008 sa Cebu City. (Russell Cadayona)