Para sa MVP, Santos, Helterbrand mahigpit na magkalaban

MANILA, Philippines - Para sa pinakamataas na individual trophy ng liga, mahigpit ang labanan sa pagitan ni Arwind Santos ng Burger King at Jay Jay Helterbrand ng Ginebra na kapwa nagtala ng magandang record para manguna sa nominasyon ng Most Valuable Player (MVP) ng Philippine Basketball Association.  

Dikdikan ang laban, nag-aagawan sa tropeo ang magkaribal na sina Santos at Helterbrand na naluklok sa ikatlo at ikaapat na pwesto, ayon sa pagkakasunod.

Magkasangga, dikit na dikit ang average statistical points na naipon ni 6’3 Santos na 30.0 habang nakasunod naman si Helterbrand na may 29.7 sps.

Sa impresibong laro at galaw ni Santos at Helterbrand, hindi malabong masungkit nila ang kasalukuyang puwesto nina Asi Taulava (No. 2) at Coca Cola Tiger Kelly Williams (No.1) sa pagpasok sa semis ng Whoppers at Kings.

Sa pansamantalang pagkawala ni Williams na nagkaroon ng injury, nahablot ni Powerade Team Pilipinas team captain Taulava ang No.1 ranking tangan ang 32.14 sps sa katapusan ng quarterfinal phase, ngunit wala nang pagkakataon pang magpakitang gilas nang mapatalsik na sa liga ang Tigers.

Samantala, naikamada naman ni 6’4 high flying Williams ang 32.07 sps na nalagak sa ikalawang puwesto.

Ang 28.9 sps marka naman ni Mac Cardona ng Talk N Text ang omokupa sa ikalimang spot subalit nanganganib madaig ni Dondon Hontiveros ng San Miguel na nakaupo sa ikaanim na posisyon.

Kabilang rin ang pangalan ni Willie Miller (28.2 sps) ng Alaska na lumutang para sa top contenders ng torneo.

Naghari rin sa ikawalong puwesto si Tropang Texter Jimmy Alapag (28.1), Purefoods Kerby Raymundo (28.0sps) at si Jay Washington (27.96sps) na nanatili sa No.10  

Gayunpaman, namamayagpag pa rin para sa Best Player of the Conference (BPC) award si Santos na may average na 32.6 sps at sinusundan ni Taulava (31.7 sps), Hontiveros (28.7 sps), ang last year’s winner na si Helterbrand (28sps)at si Alapag (27.9 sps).   

Kapos rin sa exposure, maaring mameligro ang posisyon ni Anthony Johnson ng Sta. Lucia sa kabila ng 52.2 sps para sa Best Import Award, matapos mabigong makatuntong sa semis ng liga.

Habang pumapangalawa si David Noel ng Barangay Ginebra (48.3 sps) na sinusundan ni Rashad Bell ng Talk ‘N Text (48.0 sps), Gabe Freeman ng San Miguel (47.3sps), at Jai Lewis ng Rain or Shine (46.5 sps) (Sarie Nerine Francisco)

Show comments