Mayol-Calderon rematch hiling ni Pacquiao kay Arum

MANILA, Philippines - Mismong si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ang humiling kay Bob Arum ng Top Rank Promotions na itakda ang rematch nina Filipino challenger Rodel Mayol at Puerto Rican world light flyweight champion Ivan “Iron Boy” Calderon.

Ito ang inilahad kahapon ni Filipino trainer Buboy Fernandez sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang ‘Sports Chat’ program sa DZSR mula sa Los Angeles, California.

Ayon kay Fernandez, agad kinausap ni Pacquiao si Arum para bigyang muli si Mayol ng pagkakataong hamunin si Calderon matapos mauwi sa isang technical draw ang kanilang laban noong Linggo sa Madison Square Garden sa New York.

“Sabi niya confirmed na ‘yung rematch,” ani Fernandez sa pag-uusap nila ng kanyang kababatang si Pacquiao. “Hindi lang natin alam kung kailan at kung saan gagawin ‘yung rematch.”

Itinigil ni referee Benji Esteves ang nasabing upakan nina Mayol at Calderon sa 1:50 sa sixth round bunga ng isang accidental head butt ng Pinoy na nagresulta sa sugat sa noo ng Puerto Rican.

“Inihinto nila ‘yung laban sa sixth round nu’ng nakita nilang nakakatama si Rodel at tumama pa ‘yung isang right straight ni Rodel,” reklamo ni Fernandez. “Masyadong maliit ‘yung sugat ni Calderon para ihinto ‘yung laban. Tsaka hindi naman ulo ang nakatama doon eh, kundi ‘yung suntok ni Rodel.”

Dahilan sa technical draw, napanatili ng 34-anyos na si Calderon, nasa bakuran ng Top Rank ni Arum kagaya ni Pacquiao, ang kanyang World Boxing Organization (WBO) light flyweight crown.

Ito ang ikatlong pagkakataon na nabigo ang 27-anyos na pambato ng Mandaue City, Cebu na makaagaw ng world boxing title matapos matalo kay World Boxing Council (WBC) minimumweight ruler Eagle Den Junlaphan via unanimous decision noong 2006 at kay International Boxing Federation (IBF) light flyweight titlist Ulises Solis mula sa isang eight-round TKO noong 2007.

May 25-3-1 win-loss-draw ring record ngayon si Mayol, kasama ang 19 KOs kumpara sa 32-0-1 (6 KOs) ni Calderon. (RCadayona)

Show comments