MANILA, Philippines - Kung si Bob Arum ng Top Rank Promotions ang tatanungin, mas gusto niyang makalaban ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao si Puerto Rican world welterweight champion Miguel Cotto.
Sa panayam ng Fightnews.com, sinabi ni Arum na magiging isang matinding atraksyon ang Pacquiao-Cotto fight kung maitatakda ito sa Nobyembre.
“We’re going to have to talk to the Cotto people. He has a lot of options. I would like for him to fight Manny Pacquiao," ani Arum. "That would be a tremendous fight and I hope we can get it done for November."
Napanatili ni Cotto ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight belt matapos talunin si challenger Joshua Clottey via split decision kahapon sa Madison Square Garden sa New York City.
Nakakuha ang 28-anyos na si Cotto, may 33-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 27 KOs, ng 116-111 puntos kay referee Don Trella at 115-112 kay judge John McKaie, 115-112, habang 114-113 naman ang tinanggap ng 32-anyos na si Clottey (35-2-0, 21 KOs) kay judge Tom Miller.
"He and Pacquiao is a dead-even fight," ani Arum kay Cotto sa kabila ng pagkakaroon nito ng mas malaking katawan kay "Pacman".
Maliban kay Cotto, ang iba pang nasa listahan ng 30-anyos na si Pacquiao, nanood sa ringside sa Madison Square Garden, ay sina Floyd Mayweather, Jr. at Sugar Shane Mosley.
"Sana, sa huling yugto ng taon, makakamit pa rin natin ang malaking panalo laban sa susunod kong katunggali," ani Pacquiao sa kanyang kolum. "Sa ngayon, wala pang final na makakaharap."
Hindi rin naiwasan ni Arum na paringgan ang 32-anyos na si Mayweather, nakatakdang labanan si Mexican Juan Manuel Marquez sa isang non-title fight sa Hulyo 18 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Floyd has a fight coming up with Marquez. Then he’ll probably want to fight Calderon," pagkutya ni Arum sa five-division world titlist. "Floyd just doesn’t fight big guys. Let’s be honest, he doesn’t fight big guys.”
Tinalo ni Mayweather si Ricky Hatton via tenth-round TKO noong Disyembre ng 2007 para mapanatiling suot ang kanyang World Boxing Council (WBC) welterweight belt bago nagretiro noong Hunyo ng 2008. (Russell Cadayona)