Krusiyal na laban ng Dolphins vs Unibikers

MANILA, Philippines – Tangka ng Cebu na manati-ling buhay ang kampanya para sa outright semifinals berth sa kanilang pakikipagtagpo sa Dumaguete sa pagbabalik-aksiyon ng Baseball Philippines Series 5 ngayon sa Rizal Memoiral baseball stadium.

Bunga ng malakas na ulan noong nakaraang dalawang linggo, kinansela ng organizing Community Sports Inc. ang Cebu-Dumaguete match kung saan hangad ng Dolphins na maipanalo ang laban para sa pag-asa sa semis.

Ang tagumpay ng Cebu sa Dumaguete ngayong alas-7:30 ng umagang bakbakan ay magbibigay daan para sa pagbabalik aksiyon sa pagitan ng nasuspindeng laban ng Dolphins at Manila Sharks na tabla ang iskor sa 9-all matapos ang 11th inning.

Kailangang daigin ng Cebu ang Manila ng hanggang 2 runs para makopo ang outright semis slot.

Magtatangka naman ang Alabang Tigers ng finals berth sa Junior Baseball Philippines sa kanilang pakikipagkita sa Marikina Indians sa alas-11:00 ng umaga. Nakuha ng Cagayan Carabaos ang unang championship slot sa pamamagitan ng five-game sweep.


Show comments