3 boxer ng Davao del Norte pasok sa semis
PANABO CITY, Philippines -- Patuloy ang pananalasa ng host Davao del Norte matapos makapasok ang tatlong junior boxers sa finals ng 2009 Smart-ABAP Mindanao Amateur Boxing Tournament sa Panabo Multi-Purpose Tourism Cultural Sports Center dito.
Ipinakita ni Mark Anthony Barriga ang tamang daan sa pinweight category habang dinomina naman nina light bantam Rejie Tabanao at flyweight Raffy Cavan ang kani-kanilang kalaban sa semifinals ng juniors division ng event na inorganisa ng Amateur Boxing Association of the Philippines.
Pinigil ng 16 anyos na si Barriga si Alekandro Mensera ng Davao City sa loob ng isang minuto ar 35 segundo ng ikalawang round upang umabante sa gold medal round kontra kay Julius Silva ng Davao City.
Umiskor naman si Tabano ng referee-stopped-contest dahil sa sobrang dami ng suntok sa katawan kay Carlo Jay Padasan ng Davao upang sundan si Barriga at isaayos ang pakikipagtagpo kay Warren Christopher Raterta ng Misamis Oriental.
Dinaig naman ni Silva si Jonathan Refugio ng Agbayan Bukidnon, 26-16 habang dinimolisa ni Raterta si Renan Portes ng Bukidnon, 45-21 sa event na magsisilbing isa sa regional qualifying legs para sa national championships bago matapos ang taon.
Nanaig naman sa pamamagitan ng puntos si Cavan, 29-20 kay Joemer Lumacad ng North Cotabato at isaayos ang pakikipagtipan kay Davao City’s Engelbert Moralde, ang reigning Palarong Pambansa champion na nanaig kay Ginisis Libranza ng Cabadbaran, Agusan Del Norte, 21-9, sa semifinals.
Ang iba pang umusad sa juniors division ay sina bantamweight Eduardo Edurot mula sa Pacman General Santos stable at Misamis Oriental’s Daryl Basadre.
- Latest
- Trending