Lady Stags lumapit sa finals
MANILA, Philippines – Sa pagliban ng guest players ng Adamson, nasikwat ng San Sebastian ang panalo nang gulatin ang mga manonood sa isang mabilisang laban na mag-uudyok sa Stags palapit sa Finals ng sixth Shakey’s V-League kahapon sa The Arena, San Juan City.
Tulad ng nakasanayan, bumulusok ang pwersa ni Thai import Jaroensri Bualee, sa tulong nina Laurence Ann Latigay at Rysabelle Devenadera na bumulsa ng pinagsama-samang 37 points para paboran ang Stags sa isang oras at 13 minutong bakbakan bilang patikim sa best of three series ng ligang ipiniprisinta ng Cherifer.
Sa pamamagitan ng 25-14, 25-20, 25-18, napahiya ang defending champion AdU nang hindi makapaglaro si reigning MVP Nerissa Bautista at guest player Joanna Botor-Carpio na kinailangang mamaalam sandali para lumahok sa international beach volley tournament sa Vietnam, kasama ni UST reinforcement, Michelle Carolino.
Sa susunod na paghaharap, tatangkain ng SSC itumba ang Falcons at ikasa ang ikalawang sunod na kampeonato matapos pagreynahan ang last year’s second conference ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision.
Sa pamumuno nina Devanadera na bumandera ng 9 points sa huling laban, at tikas ng palo ni Bualee, umatake ang Lady Stags ng 17-all count sa 2nd set para biguin ang nagdedepensang Lady Falcons.
Nagbida si Devenadera sa third set fightback ng SSC, nang magpakawala ito ng 12-2 atake para iangat ang Stags mula sa 13-16 kalamangan na tumulak sa tagumpay.
“We still lacked concentration that’s why Adamson was able to gain the upperhand in the third. Hopefully, we can win again on Sunday,” ani SSC coach Roger Gorayeb.
Tumapos ng mainit na 15 points si Bualee habang ang 13 hits ni Latigay at 9 points ambag ni Suzanne Roces ang tuluyang gumiba sa depensa ng Adamson.
Nangailangan ng extra set ang University of Santo Tomas bago dinispatsa ang Far Eastern University, 25-14, 25-23, 22-25, 25-18, para makalapit din sa kampeonato.
Naglista si skipper Aiza Maizo ng 21 points, kumana ng 20 si Mary Jean Balse at umiskor naman ng 12 si Maika Ortiz kasabay ng magandang laro ni Rhea Dimaculangan na kuma-big ng 12 hits para sa Tigress upang punan ang pagkawala ni Carolino.
Dahil sa panalong ito, tatangkain ng SSC at UST na tapusin ang serye sa Linggo upang isaayos ang kanilang pagkikita sa finals. (Sarie Francisco)
- Latest
- Trending