MANILA, Philippines – Sa puwersa nina Ronnie Matias at Fil-Am Josh Urbiztondo, naungusan ng Pharex ang lakas ng nagbalik na RP developmental team nang iposte ang 73-67 panalo sa Oracle para itabla ang serye at ipilit ang do-or die match para sa kampeonato ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup kahapon sa Ynares Sports Center.
Buhat sa hindi gaaong magandang larong pinakita ng 6’4 player na si Matias sa unang talong quarters, bumandera si Matias ng 8 puntos sa krusyal na huling yugto ng laban para idepensa ang pangarap na titulo.
Mula sa huling basket na binitawan ni Matias, napalobo niya ng kaunti ang kalamangan sa 69-64 pabor sa Generix.
Sa pag-arangkada ni Urbiztondo, nahatak ng Pharex ang panalo nang ipukol ang 3 triples na sinuportahan pa ng lakas ni Sean Co para tuluyang pigilan ang paghahari ng prangkisa ni Mikee Romero.
Tumapos si Urbiztondo ng kabuuang 19 puntos na nagsustini sa tiket ng bataan ni Coach Carlo Tan.
Naglista rin ng umaatikabong 16 points, nahablot ni Matias ang momentum matapos bumulsa ng 9 rebounds para masawata ang opensa ng Titans.
Sa ganda ng pinamalas na laro, nasalisihan ni Urbiztondo si Barroca na nag-ambag lang ng 3 points matapos kornerin ni Ross.
Mula sa field goal, pumukol lang ng 3 attempts ang guwardya ng FEU para sa pagkabigo ng dating Batang Pier.
Tulad ni Barroca, nanamlay rin si Ross nang maglista ng 6 points, 13 rebounds at 8 assists. (SNFrancisco)