MANILA, Philippines - Paiinitin ng nagdedepensang Cebu Dolphins ang ha-ngaring makopo ang ikalawang awtomatikong puwesto sa semifinals sa pagharap ngayon sa Dumaguete Unibikers sa Baseball Philippines Series V sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Kasalukuyang may 4-4 baraha ang Dolphins sa ligang inor-ganisa ng Community Sports Inc. para malagay sa ikatlong puwesto kasunod ng walang talong Batangas Bulls (10-0) at Manila Sharks (6-3).
Ngunit magiging palaban pa rin sila sa insentibong ibibigay sa mangungunang dalawang koponan matapos ang classification round dahil puwedeng magtabla sa 6-4 ang Manila at Cebu kapag nanalo ang Dolphins sa Unibikers at sa pagpapatuloy ng naudlot na laro nila ng Sharks bukas.
Hindi pa batid kung makakalaro na ang mga national players sa liga pero wala pa ring itulak-kabigin sa alinmang koponan sakali mang hindi pa rin sumipot ang mga hugot dahil parehong mawawalan ng mga pambatong pitchers ang magkabilang koponan sa katauhan nina Joseph Orillana ng Dolphins at Darwin dela Calzada ng Unibikers.
Samantala, magtatagisan din ang Marikina Indians at Alabang Tigers para sa karapatang labanan ang Cagayan Carabaos sa finals ng Junior Baseball Philippines sa pagtatapat ng dalawa ganap na ika-2 ng hapon.
Ang Indians at Tigers ay parehong nasa ikalawang puwesto sa 2-2 karta kung kaya't ang resulta ng laro ngayon at bukas sa panig ng dalawang koponan ang magdedetermina kung sino ang makakatapat ng Carabaos na mayroong 4-0 karta at unang nakarating sa best of three Finals series.
Sisikapin nga ng Cagayan na isulong sa 5-0 ang karta sa pagharap sa wala pang panalong Quezon City Angels (0-4) sa larong itinakda ganap na ika-10:30 ng umaga.