First time mo?

Bigla-bigla’y nalagay pa sa balag ng alanganin ang Oracle Residences sa hangarin nitong makarating sa Finals ng Philippine Basketball League (PBL) PG Flex Unity Cup at masungkit ang ikapitong sunod na kampeonato.

Akalain mo iyon!

Inakala ng karamihan na kayang-kaya ng Titans na makarating sa Finals matapos na mapanalunan nito ang Game One (83-70) at Game Two (78-73) ng best-of-five semifinals series kontra Cobra Energy Drink. Animo’y mawawalis ng Titans ang Energy Warriors nang walang kahirap-hirap.

Pero naging mailap sa Oracle ang ikatlong panalo at sa halip ay naitabla ng Cobra ang serye, 2-all matapos na manalo sa Game Three (92-88) at Game Four (88-80).

Isa’t isa na lang ang laban ng Titans at Energy Warriors. Kung aling koponan ang magtatagumpay ngayong hapon sa San Juan Gym, iyon ang makakasagupa ng Pharex Bidang Generix sa best-of-five Finals na magsisimula sa Martes.

Ngayon ay tunay ngang mabigat ang pressure sa balikat ni coach Glenn Capacio na humalili kay Jorge Gallent bilang coach ng Oracle (dating Harbour Centre) bago nagsimula ang Unity Cup.

Kasi, baka hindi pa maigiya ni Capacio papasok sa Finals ang Oracle.

Para kasing nasa panig na ng Cobra ang momentum papasok sa Game Five.

At kahit paano’y hindi ganoong kabigat ang pressure sa balikat ni Cobra coach Lawrence Chongson. Kasi nga, marami ang nagpalagay na laglag at patay na ang Energy Warriors sa semis. Pero hayun at nabuhay pa ang kanilang tsansa.

Kung saka-sakali ay parang fairy tale ito para sa Cobra Energy Drink.

Hindi nga ba’t nangulelat sila sa double round classification phase at nakaharap nila angmalakas na Magnolia Purewater sa best-of-three serye para sa huling semifinals berth.

Winalis nila ang Wizards upang makatapat naman ang Oracle sa semis.

Aba’y ang Wizards at ang Titans ang siyang naglaban para sa kampeonato ng nakaraang torneo, hindi ba? Ibig sabihin, ang dalawang ito ang siyang matitinding teams sa PBL.

Pero heto ngayon ang Cobra at ginigiba sila.

Kung sakaling magwagi ang Cobra kontra Oracle mamaya, aba’y tiyak na may tatanghaling bagong kampeon ang PBL. Kasi, parehong first timers sa Finals ang Cobra at Pharex.

Mas magiging exciting ang Finals dahil sa mas magiging unpredictable ang mga larong Bidang Generix at Energy Warriors.

Pero hindi naman papayag ang Oracle na basta-basta hayaang tangayin sa kanila ang korona’t mapatid ang kanilang championship streak.


Show comments