Oracle pagtatangkaan ng Cobra

MANILA, Philippines - Buhat sa nakakamanghang panalo ng Cobra Energy Drink kontra Magnolia Purewater, asam ng Energy Drinkers na masundan ng isa pang mabigat na panalo sa pakikipagbuno nito sa No.1 Oracle Residences sa pagsisimula ng semifinals series ng PBL PG Flex Unity Cup sa San Juan Gym.

 Kahit hindi pa nadadaig ng Warriors ang Oracle Titans sa nakalipas na dalawang laban sa classification round, pupuntiryahin ng Cobra na makapaghiganti sa pamamagitan ng solidong opensa nina Paul Lee, James Martinez at Rudy Lingganay na aakay sa tagumpay ng tropa.

Habang makakasagupa ng No. 2 team ng liga na Licealiz ang Pharex dakong alas-4 ng hapon.

Para mapataob ang koponan ni Mikee Romero, aasintahin ni 5 foot 11 player Lee ang panalo matapos pumoste ng 6 points at 9 assists sa Game 2 para tuluyang wasakin ang kampanya ng Wizards sa semis.

Sa tulong ng outside shooting nina Martinez at Lingganay paniguradong mahihirapan at sasakit ang ulo ni Capacio.

 Subalit hindi rin magpapahuli ang nangunguang Oracle Residences.

Matapos makapagtala ng six straight championships record sa liga ng sister team na Harbour Centre, hangad ng Titans na makagawa ng sarili nitong titulo.

Sa kabila ng liksi ng Cobra, pagtutuunan ng Oracle ang kanilang height advantage para dominahin ang laro.

Babandera ang mga beteranong sina Rico Maierhofer at Edwin Asoro para mapanatili at maitaguyod ang karangalan ng kumpanya. Ang husay rin nina Chris Timberlake, John Wilson at Benedict Fernandez ang paniguradong magpapayuko sa kalaban.

 Ang kakulangan ng players ay hindi rin hadlang para makamit ang panalo para sa Titans. Minsan na itong napatunayan ni Maeirhofer nang bitbitin ang koponan sa kabila ng pansamantalang pagkawala nina RP developmental team players Mark Barroca, Mac Baracael, Aldrech Ramos na kasalukuyang naglalaro sa Jakarta Indonesia.

 Samantala hawak ng Hair Doctors ang 2-0 advantage kontra Bidang Generix.  (Sarie Nerine Francisco)

Show comments