MANILA, Philippines – Hanggat walang ibinibigay na ‘go signal’ ang kanyang duktor ay hindi pa rin makakasabay sa ensayo ng Sta. Lucia at makakalaro sa kasalukuyang 2009 PBA Fiesta Conference si 2008 Most Valuable Player Kelly Williams.
Nakatakdang magtungo si Williams, kasama si head coach Boyet Fernandez, ngayong araw sa Asian Hospital para alamin ang platelet count sa dugo ng Fil-American forward.
“We will try to check if his platelet count is up,” ani Fernandez, isang nursing graduate sa Colegio San Agustin sa Bacolod City. “If his platelet count is within the normal range or level, then puwede siyang bumalik sa paglalaro.”
Naranasan ng 6-foot-6 na si Williams ang naturang blood disorder matapos makaramdam ng panghihina isang araw makaraan ang laro ng Powerade Team Pilipinas sa North All-Star sa 2009 PBA All-Star Weekend sa Negros Occidental.
“It’s more of a blood disorder. Mababa ‘yung platelet count niya, pero ang maganda doon walang bleeding. Kasi mahirap kung mababa ‘yung platelet count mo tapos nag-bleed ka, medyo mahirap ‘yon,” wika ni Fernandez kay Williams.
Idinagdag ni Fernandez na ang duktor pa rin ni Williams ang pagmumulan ng desisyon kung maaari na itong bumalik sa ensayo. (Russell Cadayona)