MANILA, Philippines - Matinding sagupaan ang ibibigay ng Ateneo Oracare at College of St. Benilde sa kanilang krusyal na do-or die game para sa sixth Shakey’s V-League na gaganapin sa The Arena, San Juan City, dakong alas dos ng hapon.
Nananatiling nasa ikalimang pwesto ang Lady Eagles, hawak ang 2-2 baraha, habang nais ng St. Benilde na iangat pa ang 2-3 kartada ng koponan para sa huling linggo ng single round elims phase.
Samantala, namamayagpag ang University of Sto. Tomas na nasa solong liderato matapos pataubin ang Far Eastern Univ. sa nakaraang paghaharap noong Martes, na tumagal ng 4 sets.
Napatalsik rin ng Lady Tigress ang naghihinghalong Lyceum Lady Pirates na may 1-5 marka sa kanilang pagtitipan noong Linggo.
Asam ng Lady Tigress na makamit ang kanilang ika-apat na championship title, habang binabandera ang 5-1 record.
Tulad ng UST, masigasig na pinagtrabahuhan ng San Sebastian ang kanilang opensa at depensa matapos dominahin ang laban kontra sa UP na wala pang naitatalang panalo para sa torneong suportado ng Accel, Mikasa at Oracare.
“We have to play as a team and go all-out to remain in the quarterfinal race,” wika ni Ateneo-OraCare coach Michelle Laborte.
Inaasahang sasandig ang Lady Eagles sa husay nila Thai import Keawbundit Sontaya, Kara Acevedo, Dzi Gervacio, Gretchen Ho at ang top setter ng liga na si Jem Ferrer.
Sa kabilang banda, igagapang ni Penetrante, kasama ni Ivy Remulla, Giza yumang, Katty Kwan at setter Ren Agero ang St. Benilde para makabilang sa Top 4. (Sarie Nerine Francisco)