David, muling magtatangka sa Villar Cup

MANILA, Philippines - Ipagpapatuloy ni dating two-time World Junior campaigner Rene Mar David ang kanyang pag-akyat sa tugatog ng tagumpay sa kanyang pagsama sa mga pangunahing cue artists sa bansa sa Manny Villar Cup, sa pagsargo ng Isabela leg sa Abril 28 hanggang Mayo 1 sa La Sallete High School sa Santiago City.

Tatangkain ng 20 anyos na ipinagmamalaki ng Candon City, na mapaganda ang kanyang semifinals na tinapos sa prestihiyosong island-hopping series Panangbenga leg noong Pebrero sa Baguio City. Naiposte ni David ang pinakamalaking panalo sa kanyang karera nang daigin niya ang living legend na si Efren Bata’ Reyes bago yumuko sa nagwaging si Francisco ‘Django’ Bustamante sa Final Four.

Bukod kay David, ang iba pang lalahok sa tatlong araw na event na ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports at itinataguyod ng Camella Communities, sina 2008 Search for the New Billiards Idol Grand winner Mike Takayama, Michael Feliciano, Benjie Guevarra, William Millares, Russian Petiza, Elmer Haya, Ricky Zerna at Egie Geronimo.

Sasamahan nila ang 32-man main na pinapamunuan nina Reyes, Bustamante, dating world no.1 Dennis Orcollo, dating double world champion Ronnie Alcano, Joven Bustamante, Lee Van Corteza, Godofredo Ducanes at dating leg winners Warren Kiamco (Alabang), Gandy Valle (Cebu), Ramil Gallego (Bulacan), Roberto Gomez at Rodolfo Luat ( Bacolod ).

Show comments