Miller bumandera para ibangon ang Aces
MANILA, Philippines - Naitabla ni Willie Miller ang kanyang personal tournament best output na 28 puntos at nagtala naman ng triple-double game si Barako Bull import Jeff Varem nang payukurin ng Aces ang Energy Boosters, 100-90, sa Motolite PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum, kagabi.
Kumana ng 3-of-7 mula sa tres si Miller at 9-of-11 sa two-point zone, at humatak din ng 6 rebounds, 4 assists at 2 steals sa kanyang impresibong performance sa torneo, upang pigilan ang three-game losing skein ng Aces at makabangon mula sa dulo sa kanilang tatlong panalo laban sa anim na kabiguan.
Nagdebut si Varem para sa Barako Bull sa kanyang 23 puntos, 13 rebounds at 10 assists ngunit hindi nagging sapat para maisalba ang Energy Boosters na lasapin ang ikaanim na kabiguan laban sa dalawang panalo pa lamang.
Bagamat nakaahon ang Aces hindi pa rin nasiyahan si coach Tim Cone sa ipinakita ng koponan.
“I’m scratching my head the last couple of weeks. We’re practicing well, but our efforts in practice are not translating into good games. We still struggled tonight,” ani Cone.
“It’s perplexing. The efforts are there in practice, but when the lights are on, we couldn’t play the way we should. We have to get the monkey off our backs,” dagdag ni Cone.
Bagsak sa lower half ng chart may limang laro na lang ang nalalabi sa preliminary round, nagpapasalamat si Cone at walang koponang mapapalabas matapos ang unang yugto ng torneo.
Ang tournament format ay kukuha ng dalawang top team matapos ang classification para sa outright entry sa semifinals. Habang ang koponan na nasa No. 3 at No. 4 ay makakalaban ang No. 10 at No. 9 na may twice-to-beat advantage habang ang No. 5 at No. 6 ay makakalaban ang No. 8 at No. 7 sa best-of-three playoffs.
Samantala, kasaluku-yang naglalaro pa ang Barangay Ginebra at Rain or Shine habang sinusulat ang balitang ito.
Alaska 100 -- Miller 28, Ellis 20, Cariaso 16, Tenorio 11, Borboran 7, Thoss 7, Ferriols 7, De Vance 2, Fonacier 2, Hugnatan 0, Cablay 0.
Barako Bull 90 -- Arigo 25, Varem 13, Espinas 13, Juntilla 12, Najorda 10, Sharma 6, Hubalde 5, Rodriguez 4, Chan 2, Duncil 0, Hrabak 0, Crisano 0.
Quarterscores: 22-22, 50-45, 73-65, 100-90.
- Latest
- Trending