Ngayong tag-init ang ikasampung anibersaryo ng Ateneo Basketball School, (ABS), at ipinagdiriwang ang sampung taong patuloy na pagpapaganda ng pagtuturo ng basketbol sa mga batang anim hanggang 16 na taong gulang. Ang ABS ngayon ay isa sa pinakamatagal nang tumatakbong basketball school sa bansa.
Unang nagunita ang ABS ni dating Ateneo head coach at basketball program head Joe Lipa noong Disyembre ng 1998. Ang plano niya ay magtatag ng isang eskuwelahang tututok sa basic basketball at pagpapalawak ng kaalaman sa mga mag-aaral ng Ateneo grade school.
Pinag-isa na ang lahat ng umaandar na basketball program sa ilalim ng University Athletics Office (UAO). Ang unang edisyon ng ABS ay inilunsad noong 1999.
Subalit, bago magsimula ang programa, kinailangang pag-isahin ang kaalaman ng mga coach, para pare-pareho ang ituturo. Pinulong ni Lipa at Ricky Dandan - ang kasalukuyang program head ng Ateneo sa basketbol - ang lahat ng PE teacher at grade school coach upang buuin ang training modules ng ABS. Binigay sa kanila ang pinakamakabagong kaalaman sa pagtuturo ng basketbol.
“What truly distinguishes the ABS from other basketball camps around the nation, among other innovations, is the Station System,” paliwanag ni Dandan. “Campers are divided into groups according to age, motor skills, body composition and skill level. Coaches and assistant instructors are then assigned to stations where campers undergo training on a particular skill. The stations are timed and the campers rotate to the next skills station.”
Ngayong taon, ipagpapatuloy ng ABS ang Parent-Camper activity na sa kanila rin nagsimula. Sa pagtatapos ng bawat module, nagkakaroon ng Mother and Son/Daughter Shoot-Out at Father and Son/Daughter 2-Ball Competition. Samantala, ang Basketball Festival ay ginaganap sa huling araw ng bawat module.
Subalit kasama sa diwa ng ABS ang pagbibigay sa kapwa. Ang ABS ay nagtungo na sa Liliw at Calumpang sa Laguna; Mauban, Quezon at San Juan, Batangas. Sa katapusan ng buwang ito, dadayo ang kanilang outreach program sa malayong komunidad ng Kibungan, Benguet, na limang oras na biyahe mula sa Baguio City. Ito ay sa tulong ng Office of the Municipal Mayor at Commission on Human Rights (CHR-Philippines).
Dahil sa kagandahan ng programa ng ABS, maraming isponsor ang tumulong. Pumasok ang adidas bilang official outfitter, at Gatorade upang di masyadong mapagod ang mga player. Noong nakaraang taon, nagpahiram ang Sony Handycam ng dose-dosenang video camera upang makunan ng mga magulang ang ensayo at laro ng kanilang mga anak.
Mapalad din ang mga mag-aaral sa ABS ngayong taon, dahil dadalo rin bilang mga guest coaches ang players at coaching staff ng 2008 UAAP Men’s Basketball Champions na Ateneo Blue Eagles.Dagdag na pagkakataon para matuto mula sa mga aktuwal na player ang mga bata.
Ang mga module ng 2009 Sony Handycam ABS 10th Anniversary Summer Schedule ay tatakbo mula April 13 hanggang 25 at May 4 hanggang 16.
Ang ABS Summer Classic ay ilalaro mula May 18 hanggang 22.