Paa ni Pacquiao namaltos
MANILA, Philippines – Sa lumabas na balita sa isang boxing website kahapon, iniulat nitong naging malubha ang pilay sa paa ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa kanyang pag-eensayo sa Wildcard Boxing Gym sa Hollywood, California.
Agad namang tinawagan ni legal counsel Atty. Franklin “Jeng” Gacal si Pacquiao mula sa United States para alamin ang tunay na kuwento.
“Hindi naman napilay si Manny,” ani Gacal sa panayam ni Snow Badua ng DZSR Sports Radio. “Hindi lang maganda ‘yung pagkakalagay ng bandage sa paa ni Manny kaya nagkaroon ng paltos. Pero wala naman itong epekto sa training niya. Sabi nga, malayo sa bituka.”
Inaasahang agad ring gagaling ang naturang mga paltos sa paa ng 30-anyos na si Pacquiao bago ang kanyang world light welterweight fight kay Briton Ricky Hatton sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ilang beses na ring nagkaroon ng kalyo sa kanyang paa si Pacquiao dahil sa maluwag na medyas at sapatos. Ngunit ito naman ay nalalagpasan ng tubong General Santos City patungo sa panalo.
Sa pahayag naman ni trainer Freddie Roach na madidismaya siya kapag hindi napabagsak ni Pacquiao si Hatton sa loob ng third round, sinabi ni Gacal na ito ay isang seryosong usapan ng dalawa.
“Sa laban ni Manny kay David Diaz, sinabi ni Roach na babagsak si Diaz sa round nine. Laban naman kay Oscar Dela Hoya, sinabi ni Roach na hindi aabot si Dela Hoya sa ninth round,” ani Gacal. “Talagang ‘yon ang parang marching order ni Freddie Roach kay Manny na tapusin si Hatton sa third round.”
Taliwas rito ang paniniwala ni Gareth Davies, ang beteranong boxing writer ng Telegraph.co.uk.
“Hatton may dominate Pacquiao in the first three rounds,” ani Davies. “But Pacquiao will catch him up and through within fourth to fifth rounds and will clinically land more punches until the eight or ninth round.”
Hindi rin naitago ni Davies ang pagkampi sa kanyang kababayang si Hatton ng Manchester, England.
“A perfect punch to the body just as what he did to Jose Luis Castillo of Mexico in their WBC International light welterweight championship and IBO light welterweight championship in 2007 which ended by TKO in fourth round may not be a remote posibility,” ani Davies. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending