17 ring experts mas pinili si Pacquiao
MANILA, Philippines - Umiinit ng husto ang Manny Pacquiao-Ricky Hatton fight at pati na rin ang kanilang mga trainers ay umuusok na rin at kaya naman ang The Ring Magazine ay naglaan ng 21 pahina para sa nalalapit na laban.
Ayon sa newsday.-com, ang magazine na tinaguriang Bible of boxing ay maglalabas ng special features ng May 2 showdown sa pagitan ng dalawang magigiting na sundalo na maglalaban sa MGM Grand.
At sa artikulo ng 20 boxing experts, naitanong ang kanilang opinyon tungkol sa laban na ito at 17 sa kanila ay nagsabing si Pacquiao ang magwawagi.
At kapag nangyari ito, maaagaw ng 30 anyos na si Pacquiao ang IBO lightwelterweight crown ni Hatton at ipuputong naman niya ang kanyang ikalimang korona sa limang magkakaibang dibisyon. Sa ngayon, siya pa lamang ang natatanging Asyano at may apat na korona.
Tatlo lamang ring experts ang pumili kay Hatton, at malamang na malaking hamon ang nahaharap sa pound-for-pound champion kay Juan Manuel Marquez o Floyd Mayweather Jr.
At ang pumupusta kay Hatton ay sina TV commentator Steve Bunch, Mark Colings ng Esquire-UK at Manchester Evening News’ Stuart Brennan. Pinili nila ang British superstar na magwawagi sa huling rounds.
Dalawang fighters na nakaharap si Hatton ang kumampi din kay Pacquiao--sina Pauli Malignaggi at Luis Collazo. Kampi din si David Diaz, na inagawan ng WBC lightweight title ng Pinoy noong nakaraang taon, kay Pacquiao.
May mga ulat na nagbabalak bumalik sa aksiyon si Mayweather, ang walang talong dating pound-for-pound king, sa July 11.
At bagamat sinabi ng may kayabangang American boxer na handa siyang harapin sinuman, kabilang na sina Pacquiao, Hatton o Marquez, hindi naman interesado ang mga handler ni Pacquiao sa naturang laban.
Imbes, mas interesado ang handler ni Pacquiao, kabilang na si trainer Freddie Roach at promoter Bob Arum na makalaban si welterweight champion Miguel Cotto.
- Latest
- Trending