MANILA, Philippines - Naayos na ng Solar Entertainment Corporation at MP Promotion ang problemang kinasangkutan ni Manny Pacquiao.
Kahapon ay pormal na nagkita sina Pacquiao at matataas na opisyales ng Solar Entertainment na sina Wilson Tieng at Peter Chanliong na pangulo at executive vice president (EVP) na nagtungo sa Los Angeles na hiniling ni Pacquiao.
Matapos ang paliwanagan ay lumabas na handa na si Pacquiao na bawiin ang ipinahayag na paglipat sa ABS-CBN bilang kanyang partner para sa susunod na tatlong laban sa pangunguna na ng magaganap na sagupaan nila ni Ricky Hatton sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Sa kanilang pahayag na ipinalabas ng Solar Sports, sinabi ng kumpanya na masaya sila at naisaayos na ang problema at mismong ang Pambansang Kamao ay lumiham na iniuurong ang pahayag na ipinatitigil ang kontrata na dapat magtapos sa 2011 nitong Marso 17, 2009.
“Solar Entertainment Corporation, Manny Pacquiao and MP Promotions, are happy to announce that in the spirit of utmost good faith, the parties have favorably resolved their unfortunate misunderstanding. Manny and MP Promotions have agreed to honor the television rights agreement and fully comply with the terms and conditions therein,” wika ng kalatas mula sa Solar Sports.
“Ang inyo pong lingkod na si Manny Pacquiao, ay nais iparating sa lahat na matapos ang masusing pag-aaral at pagtitimbang-timbang namin ng Solar Entertainment napatunayan na ang kontrata sa TV right ng aking mga laban ay valid and binding at di nalabag ng sinuman dahil dito ay humihingi po ako ng paumanhin sa sinuman na naguluhan sa kung saan ipapalabas ang aking laban kay Ricky Hatton,” pahayag ni Pacquiao na binasa ng kanyang abogadong si Jing Gacal.(Luz Constantino)