Kung hindi pa nagkakaharap sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping at Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr., naging mainit naman ang kanilang engkuwentro ni Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) chief Go Teng Kok kahapon.
Ipinagtanggol ni Angping ang kanyang paghihigpit sa pagbibigay ng PSC ng financial assistance sa mga National Sports Associations (NSA), kagaya ng PATAFA.
“The PSC is a funding not a spending agency. I maybe so aggressive in trying to implement this new policy that is why I was misunderstood,” wika ni Angping sa lingguhang ‘No Hold Barred’ forum ng National Press Club (NPC). “I’m an action man I want immediate resolution to the problems.”
Kinuwestiyon naman ni Go ang maluwag na pagsuporta ng komisyon sa shooting at taekwondo associations sa kabila ng pagkakaroon ng mga ito ng unliquidated accounts.
“Why shooting and taekwondo continued receiving assistance despite the fact they have also unliquidated advances. The truth is politics, gusto lang pahirapan ni Mr. Angping ang mga NSA na kalaban niya like me and swimming,” wika ni Go.
Sa patakaran ni Angping, hindi makakakuha ng financial assistance mula sa PSC ang mga NSAs na mayroon pang unliquidated accounts.
“It’s simple policy. No liquidation no financial assistance. I want to make a string impression,” ani Angping. “I was appointed by the President as house cleaner, and that what I did. Kung may nasasaktan ako, that’s not my problem trabaho lang ito at ginagampanan ko lang ang duty and responsibility na ibinigay sa akin. Wala akong pananagutan sa kanila (NSA) pero sa Pangulo at sa taong bayan meron.”
Kamakalawa ay nagkausap sina Angping at Frank Elizalde, kinatawan ng International Olympic Committee (IOC) sa bansa, kung saan nilinaw ng dating kinatawan ng Maynila sa Kongreso ang patakaran ng PSC at relasyon nito sa POC at mga NSAs. (Russell Cadayona)