MANILA, Philippines - Ito ang maglilinaw sa pahayag ng Philippine Olympic Committee (POC) na wala na silang utang na dapat bayaran sa Philippine Sports Commission (PSC).
Sa demand letter ni State Auditor Mario Lipana ng Commission on Audit (COA) kay POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. noong Marso 9, sinabi nitong dapat makapagsumite ng liquidation ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHILSOC) ukol sa nakuhang halos P75 milyon noong 2005 para sa 23rd SEA Games.
Ang PHILSOC, nabigyan ng kabuuang P74,634,507.50, ay dating pinangunahan ni Cojuangco bilang chairman.
Nauna nang inihayag ni Cojuangco, dating kinatawan ng Tarlac sa Kongreso, na nabayaran na ng PHILSOC ang naturang financial assistance sa pamamagitan ng pagsosoli sa PSC ng sports equipment na nagkakahalaga ng P99,011,903.31 sa bisa ng isang Memorandum of Agreement (MOA)
Sinabi ni Lipana na ang naturang gastos para sa sporting equipment para sa 26 sports discipline ay mula sa paggamit ng sports commission ng Letter of Credit (LC) galing sa depositong P100 milyon sa Philippine National Bank (PNB).
“Thus, it is very clear that the sports equipment turned over by PHILSOC to PSC in exchange for the FA (financial assistance) extended to them pertains to the P100 million deposit for the purchase of equipment through opening of LCs and not part of the P167,634,507.50 funds released to PHILSOC as Operational Fund, thus PHILSOC’s argument is misplaced,” wika ng COA official.
Dahilan rito, ipinag-utos ng COA sa PHILSOC na magsumite ng liquidation sa PSC sa loob ng 15 araw.
“Failure to do so, this office shall be constraint to recommend appropriate legal action on this matter,” babala ni Lipana sa PHILSOC. (RC)