RP Davis Cupper vs Hong Kong netters ngayon

MANILA, Philippines - Sisimulan na ng Philippines ang kanilang kampanyang makuha muli ang upuan sa Asia-Oceania Zone Group 1 ngayon sa pakikipaglaban ng mga Pinoy sa Hong Kong netters sa panimula ng Group II competitions sa Victoria Park sa Hong Kong.

Magdedebut ang Fil-American na si Conrad Huey sa kanilang pakikipagtunggali sa No. 1 player ng Hong Kong na si Martin Sayer sa unang singles match.

Sisimulan naman ni back-to-back Southeast Asian Games gold medalist Cecil Mamiit, ang kanyang kampanyang manalo sa Davis Cup makaraan ang tatlong sunod na kabiguan, sa kanyang pakikipagtipan kay Hiu Tung Yu sa ikalawang singles.

Ang dalawang Fil-Am din ang magtatambal sa doubles sa Sabado laban naman kina Hiu at Lai bagamat maaaring mapalitan ang tambalang ito isang oras bago ang aktuwal na laban.

Sa reverse singles, makakaharap ni Mamiit si Lai at si Huey laban kay Hie sa Linggo.

Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Patrick John Tierro at junior standout at Australian Open juniors doubles champion Francis Casey Alcantara.

Show comments