PUERTO PRINCESA CITY, PhilippineS - Inilabas ni Thai ace rider Thanarat Penjan ang kanyang pamatay na puwersa at humatak ng sweep para makopo ang korona sa 2009 Motocross Masters of Asia - Puerto Princesa International Motocross Grand Prix sa mapaghamon na Sta. Monica International Racetrack dito.
Pinanindigan ang kanyang pangalan, hindi mapigil ang 19 anyos na si Penjan sakay sa kanyang Yamaha JAW Thai DID team bike kinontrol nito ang tempo ng coast-to-coast upang angkinin ang pinaka-asam na silver Mayor Edward S. Hagedorn Cup sa event na ito na may basbas ng NAMSSA (www.namssa.org) at hatid ng Lungsod ng Puerto Princesa, Philippine Charity Sweepstakes, CTI Knee brace, Oakley, Petron Sprint 4T, Castrol, Spyder Helmets, HJC Helmets, at Department of Tourism.
Ang kanyang tagumpay ay nagbalik sa championship belt sa Thailand matapos mapagwagian ni Arnon Theplib ang korona may dalawang taon na ang nakalilipas sa event na ito na bahagi ng kapistahan ng ika-137th anibersaryo ng Puerto Princesa at ika-5th Balayong Festival na ipagdiriwang ngayon.
Pumangalawa naman sa Thai ang Hapones na si Shinichi Kaga na sakay ng kanyang Suzuki at ikatlo naman si Khaliunbold na sakay naman ng kanyang Kawasaki. Ikaapat naman ang isa pang Thai Honda entry na si Kriangkrai Thiannok at ikalima si Amirreza Sabefar ng Iran.
Nagbigay naman ng magandang laban ang pambato ng bansa na si Kenneth San Andres ngunit hindi naging sapat nang pumuwesto lamang itong ikaanim.
Kumukumpleto sa top 10 finishers sina Indonesian Yusuf Irawan at tatlong Pinoy na sina --Ted Conde, dating 11-time champion Jolet Jao at batang Cebuano ace Jon Eleazar Adlawan.
Gayunpaman, dinomina ng mga Pinoy ang International 12-14 yrs old Junior 85cc class nang magtapos na 1-2-3 sina champion Jean Erick Mitra, Renato Mangosong at Patrick North Orbe, upang daigin ang pinapaborang Iranian ace na si Hameddrel Adlelgoo.