Magdedebut ngayon ang Burger King, dating Air21sa pagbubukas ng Motolite PBA Fiesta Conference sa unang out-of-town game sa Lamberto Macias Gym sa Dumaguete City.
Hindi lamang bagong pangalan ang dinadala, ang Titans ay hahawakan din ng bagong coach sa katauhan ni Yeng Guiao at bagong inayos na lineup na gagabayan ng dating import na si Shawn Daniels.
Ang laban ay nakatakda sa ganap na alas-5 ng hapon.
Tiyak na maman-manan ng husto ang Titans dahil interesado ang mga manonood na kaliskisan kung hanggang saan ang kakayanin ng koponan na malaki ang ipinagbago.
Ang pinakamalaking pagbabago ay ang pagpapalit ng pangalan bilang Burger King mula sa dating Air21, pagkuha kay National coach Guiao at paghatak kina Beau Belga, Chad Alonzo at Eric Rodriguez.
Maging ang pagpasok ng bagong alternate governor na si Mikee Romero, bagong team manager Eric Arejola at bagong assistant coaches na sina Junel Baculi at Jorge Gallent.
Gayunpaman, nanatili sa koponan sina Arwind Santos, Wynne Arboleda, Gary David, Homer Se, Marvin Cruz at JR Quiñahan, na nagbigay ng kumpiyansa sa management at coaching staff.
Sa kabilang dako naman, magbabalik eksena naman ang Realtors nang walang nabago maging sa kanilang import na si Anthony Johnson.
Si Johnson ay sanay na sa sistema ng Realtors dahil naging import nila ito sa kanilang paglahok sa Brunei Cup noong 2007.
At bagamat mas mababa ng dalawang pulgada si Johnson kay Daniels, hindi magiging balakid ito sa kampanya ng Sta. Lucia sa tulong nina Dennis Espino at Marlou Aquino.