Hindi nagkamali si Filipino world flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. sa kanyang pagpili sa mag-kakapatid na Gerry at Jonathan Peñalosa bilang mga trainers.
“It’s really great because right from the very beginning, me and Gerry, we had that chemistry and then when I met his brother, it just added the chemistry,” wika ni Donaire sa kanilang training camp nina Gerry at Jonathan Peñalosa sa Baguio City.
Nakatakdang idepensa ni Donaire sa ikatlong sunod na pagkakataon ang kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) laban kay Mexican challenger Raul Martinez sa Marso 22 sa Araneta Coliseum.
Nauna nang naging matagumpay ang title defense ng 26-anyos na si Donaire kina Mexican Luis Maldonado at South African Moruti Mthalane via eight-round at sixth-round TKO, ayon sa pagkakasunod.
“When I am training with somebody, I give it all and the reason why I chose the Peñalosa camp is because of their experience and they have their own unique perspective and I just really want to gain and try to listen to everything I can and pick up as much as I can from them,” ani Donaire.
Ibinabandera ni Donaire, tubong General Santos City, ang kanyang 20-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, samantalang dala naman ni Martinez ang malinis na 24-0-0 (14 KOs) slate. (Russell Cadayona)