Nagtala ng panalo sina Nguyen Tuan, Christian Carlo Canlas at Romel Openiano at angkinin ang puwesto sa main draw ng first Metro Open People’s Tennis Championships qualifying sa Rizal Memorial Tennis courts.
Pinayuko ni Nguyen si Noel Zosa, 8-7 (4), sa pro-sets qualifying format kung saan tanging ang players na may walong sunod na panalo upang makasama. Naunang iginupo ni Nguyen si Dennis Famis, 8-2, at Alberto Gomez, 8-0, sa kanyang unang dalawang laban.
Nakasama naman si Canlas kay Nguyen sa 32-man main draw, na magsisimula ngayon sa pamamagitan ng 8-6 panalo kay Nic Fernandez. Dinaig din niya si Ernesto Baquirin, 8-2, at Reynaldo Pacheco Jr., 8-0, sa opening round.
Dinurog naman ni Openiano si Jandrick De Castro, 8-4, matapos idispatsa si Ricky Cultura, 8-2, at Aaron Empleo, 8-1.
Ang Metro Open Tennis Championship, isang Grade A tournament na ipiniprisinta ng Cebuana Lhuillier, Philten, Le Solei de Boracay at Just Jewel, ay ginaganap para mabigyan ang mga aspiring netters, veterans at national athletes ng exposure.