MANILA, Philippines - Sa inilantad na kriterya ng Philippine Olympic Committee (POC), imposible nang mangyari ang medal projection nitong 80 hanggang 120 gold medal sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Sa kriterya, awtomatikong makakakuha ng puwesto ang 42 gold at 91 bronze medalist sa nakaraang SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2007, habang tanggal na sa listahan ang 96 bronze medalists.
Sa naturang mga gold medalists, 29 na lamang ang lumalahok pa sa mga kompetisyon, samantalang ang 13 naman ay nagretiro na.
“Lahat ng nag-gold at silver sa last Southeast Asian Games, okay na ‘yon,” ani Chef De Mission Mario Tanchangco ng sepak takraw association. “Iyong top eight sa world championships or Asian level competitions na sinalihan ng Japan, Korea, China, kasama na rin.”
Kabuuang 42 gold, 91 silver at 92 bronze medals ang naiuwi ng Team Philippines mula sa 2007 Thailand SEA Games para mahulog sa ikaanim na posisyon makaraang tanghaling overall champion noong 2005.
Bukod sa mga bronze medalists sa 2007 SEA Games, awtomatiko na ring hindi mapapabilang sa delegasyon ang mga atletang walang naibulsang gold at silver medal sa dalawang sunod nilang pagsali sa nasabing biennial meet, ayon kay Tanchangco.
Nauna nang nagpahayag sina POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. at POC Rules and Sports Commission chief Go Teng Kok na kaya ng bansa na sumikwat ng 80 hanggang 120 ginto mula sa 2009 Laos SEA Games para sa overall crown.