MANILA, Philippines - Naging produktibo si Dennis Orcollo sa taong 2008.
Mula sa pagiging ‘money-game king’ ng billiards dito sa bansa, sunud-sunod na titulo ang kinamada ng 30-gulang na si Orcollo kabilang ang penultimate leg ng Guinness 9-Ball Tour sa Guangzhou, China kung saan tinalo niya si Taiwanese Wang Hung-hsiang para sa titulo.
Bilang panimula sa taong 2009, bibigyan ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ng pabuwenamano si Orcollo sa pagpaparangal sa kanya ng major award sa billiards sa San Miguel Corporation-PSA Annual Awards Night sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel sa February 20.
Makakasama ni Orcollo sa maigsing listahan ng major awardees na pararangalan ng pinakamatandang media organization ng bansa sa two-hour program na hatid ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Ang iba pang major awardees ay sina Kelly Williams (pro basketball), Willy Wang (wushu), Wesley So (chess), Nonito Donaire (pro boxing), Dottie Ardina, Angelo Que, Jennifer Rosales at Dorothy Delasin (golf), Jonathan Hernandez, Ibarra at Go Army (horseracing).
Mangunguna sa 2008 honor roll ay si world pound-for-pound king Manny Pacquiao na tatanggap ng Athlete of the Year award sa ikalimang pagkakataon kaya iaangat na ang Pambansang kamao sa PSA Hall of Fame.