Dinastiya Ng Harbour Centre Nanatili
MANILA, Philippines - Mag-iiwan ng signipikanteng marka ang Harbour Centre sa Philippine Basketball League (PBL). Ang walang kaparis na dinastiya.
Anim na titulo… sa anim na sunod na pagtuntong sa finals.
Tinupad ng Batang Pier ang kanilang misyon matapos makopo ang titulo ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup nang kanilang igupo ang Magnolia Purewater, 88-73 sa Game-4 ng kanilang titular showdown sa punum-punong The Arena sa San Juan kahapon.
Tinapos ng Harbour Centre ang best-of-5 championship series sa 3-1 panalo-talo para sa titulo, salamat sa kabayanihan nina Mark Barroca, Fil-Am Nick Stephens at Benedict Fernandez.
“This is perhaps one of the most difficult championships we have, so I have to salute the coaching staff and the players for working so hard to win the championship,” ani team owner Mikee Romero na napaiyak sa tuwa pagkatapos ng laro. “This is one magical moment for Harbour Centre, being No. 1 for three years is an amazing feeling. This is the last championship for Harbour, good thing we leave on a winning note.”
Ito na ang huling kumperensiya ng Harbour Centre sa PBL dahil ireretiro na nila ang pangalan ng kumpanya ngunit inaasahang ipapagpatuloy ng R2 Builders, isang kumpanyang pagmamay-ari din ng mga Romero, ang kanilang winning tradition.
Nakipagsanib si Romero sa Burger King (dating Air21) sa PBA at siya ang naatasan ng grupo na pinangungunahan ng majority owner na si Bert Lina na mangasiwa sa team kung saan makakasama din niya ang kanyang team manager na si Eric Arejola.
Hindi nakalaro si Reed Juntilla sa pinakaimportanteng game dahil pinagbawalan siya ni PBL Commissioner Chino Trinidad makaraang ireactivate ang kanyang kontrata ng Barako Bulls (ang dating Red Bull) sa PBA, ngunit hindi ito naging hadlang para sa Harbour Centre.
Bagamat dinomina ng Wizards ang first half, bumawi ang Batang Pier sa ikatlong quarter sa pagbibida ni Fernandez na kumamada ng 11 sa kanyang tinapos na 18-puntos upang ibangon ang Harbour Centre mula sa 32-41 deficit patungo sa 64-55 pangunguna patungo sa ikaapat na quarter.
Kinumplimentuhan naman nina Barroca, ang tinanghal na Finals MVP at ni Stephens ang ginawa ni Fernandez nang sila naman ang humataw sa ikaapat na quarter.
- Latest
- Trending