Mula sa pagiging charming duo nina Jennifer Rosales at Dorothy Delasin hanggang kay Angelo Que at sa batang si Dottie Ardina, ang mga Filipino golfers ay may kanya-kanyang ningning sa nakalipas na taon.
Kinana nina Rosales at Delasin ang korona sa Women’s World Cup sa South Africa, humatak naman si Que ng dramatikong one-shot win sa Philippine Open at nagqualified para sa British Open habang isinubi naman ni Ardina ang ikatlong korona sa Junior World Championship sa San Diego, California.
At ang kani-kanilang performance ang nagsilbing highlights sa Philippine sports noong 2008 at sapat na ito para banderahan nila ang mga major awardees na pararangalan sa SMC-Philippine Sportswriters Association Annual Awards Night sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel sa February 20.
Ang boxing sensation na si Manny Pacquiao ang napili namang Athlete of the Year na ipinagkakaloob ng pinakamatandang media organization sa bansa na binubuo ng editors at sportswriters mula sa iba’t ibang national broadsheets at tabloids.
At dahil sa kanyang mga tagumpay sa world prize fighting kung saan siya ay kinilala sa buong mundo bilang pinakamahusay na pound-for-pound fighter, ang 30-anyos na southpaw fighter mula sa General Santos City ay iluluklok rin sa PSA Hall of Fame sa dalawang oras na pagtatanghal kung saan ang Philippine Amusements and Gaming Corporation ang major sponsor at suportado ng PSC, POC, Shakey’s Accel, PBA, PBL, NCRAA, ICTSI, Smart, Purefoods, Ginebra, Ever Billena, Harbour Centre, Secretary Lito Atienza, Pharex, Games and Amusements Board (GAB) at Mighty Sports Corporation.