BACOLOD City--Humatak ng magkaibang panalo sina lightweights Orlando Tacuyan, Jr. ng Himamaylan at Charly Suarez ng Army upang makasiguro ng bronze medal sa 2009 Smart National Amateur Boxing Championships sa NOMPAC dito.
Nangailangan lamang ng dalawang minuto si Tacuyan upang dispatsahin si Reynante Buctot ng Cebu City habang ginapi naman ni Suarez si 2007 Thailand Southeast Asian Games silver medalist Junel Cantancio ng Navy, 13-4, upang isaayos ang kanilang semifinal showdown.
Dinomina naman nina featherweight Joan Tipon at flyweight Rey Saludar ng Army ang kani-kanilang kalaban sa isang linggong event na ginagamit bilang pagdiskubre ng mga bagong talento.
Tinalo ni Tipon, 2006 Doha Asian Games gold medalist si Benedict Vergara ng Lucena, Quezon habang ginapi naman ni Saludar si Carlo Manquito ng Iloilo, 94-35 para makausad sa quarterfinals.
Umusad din si Joegin Ladon nang manaig ito via walkover kay Alvin Brevonig ng Tayabas, Quezon upang isaayos ang pakikipagtagpo kay Robert Alcala ng Sarangani, na nanaig kay John Dalingay ng Western Vizcaya.
Sa youth division, nanaig si Joemarie Galido ng Bago City kay Jason Calaba ng Bacolod-B habang dinispatsa ni Wilbert Loberamis ng Tagbilaran si Janray Sta. Ana ng Cebu City.
Nagdiwang ang host city nang manaig ang kanilang pambato na si Alvin Sibugan kontra kay Fernando Tacuyan upang isaayos ang pakikipagtipan kay Arnel Jan Llamas ng Masbate na nanaig kay Mark Junil Pacyao.
Ang iba pang nakapasok ay sina cottonweight Gerald Pangarutan ng Bacolod A na namayani kay Jason Geronela ng Silay City at lightweight Remacar Macuna ng Bacolod A laban naman kay MIke Angelo Cortez ng Iligan City.