Nais ng PhilCycling na kunin ang national pool mula sa kanilang national open championships na nakatakda sa Huwebes at Biyernes sa Tagaytay City at Amoranto Velodrome sa Quezon City.
Ang mga Miyembro ng national pool ang magiging mga top candidates para sa national team na isasabak sa international competitions, isa rito ay ang 2009 Southeast Asian Games sa Laos sa December.
Ang 160-km road race at 40-km mountain bike competition sa Tagaytay City ay sabay na gaganapin sa Huwebes simula alas-8:00 ng umaga sa Tagaytay International Convention Center. Itatakbo naman sa Biyernes ang track races -- individual pursuit, Olympic sprint at 1-kilometer-- sa Amoranto Velodrome sa Roces Avenue sa Quezon City simula alas-9:00 ng umaga.
Ang pagdaraos ng national open championships ay bahagi ng pagtugon sa panawagan ng Philippine Olympic Committee (POC) sa pamumuno ni president Jose Cojuangco Jr. at ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman William Ramirez na bumuo ng competitive team para sa Laos SEA Games.
Ang bagong national pool ay ii-endorso sa mga incoming PhilCycling board of directors, ayon kay outgoing PhilCycling president Bert Lina.
Ang PhilCycling, may official name na Integrated Cycling Federation of the Philippines ay magkakaroon ng Olympic cycle elections ng 15 members of the board sa ala-una ng hapon sa Amoranto Multi-purpose Hall na sasaksihan ng kinatawan ng Union Cycliste Interntionale (UCI).