Outright semis target ng Magnolia
Matapos ang bakasyon, muling paiinitin ng Magnolia Purewater ang kanilang hangaring makuha ang ikalawang outright semifinals berth.
Tangkang makasama ang five-time champions Harbour Centre Batang Pier sa semis, haharapin ng Wizards ang Hapee Complete Protectors ngayong alas-2 ng hapon sa pagpapatuloy ng second round ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup sa San Beda College Gym.
Kasalukuyang tangan ng Harbour Centre ang liderato mula sa bitbit nilang 8-1 rekord kasunod ang Magnolia (7-2), Bacchus Energy Drink (5-5), Hapee (4-5), Toyota Otis (3-6), Burger King (3-6) at Pharex (2-7).
Ang tagumpay ng Wizards ni Koy Banal sa Complete Protectors ni Gee Abanilla, natalo sa kanilang unang pagtatagpo, 86-73, ang tuluyan nang magbibigay sa kanila ng ikalawang out-right semis seat.
Umaasa si Hapee team manager Bernard Yang na makakalaro na si Ateneo Blue Eagle Chris Tiu sa quarterfinal round matapos ang pagbabakasyon nito sa United States.
“We hope that he will arrive this week so that he can join the team, we need somebody to spark the team,” wika ni Yang sa 5-foot-11 na si Tiu, naging sandata ng Blue Eagles ni Norman Black sa pagangkin sa korona ng nakaraang 71st UAAP men’s basketball championships kontra La Salle Green Archers.
Sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon, sasagupain naman ng Batang Pier ni Jorge Gallent ang Stunners ni Allan Gregorio.
“We have to play smart against them,” sabi ni Gallent, muling aasa kina Reed Juntilla, Jerwin Gaco, Boyet Bautista, Benedict Fernandez at Rico Maierhofer katapat sina Ogie Menor, Marcy Arellano, Abby Santos at Nestor David. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending