Ang pagbakante sa kanyang pagiging hari sa bantamweight division ng World Boxing Organization (WBO) ang isa sa mga opsyon na tinitingnan ni Gerry Peñalosa para makaalis sa kampo ng Golden Boy Promotions.
“Posible ‘yan. Lahat posible,” sambit ng 36-anyos na si Peñalosa, ipinaalam na sa Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya ang kanyang pagkadismaya ukol sa pangangalaga sa kanyang boxing career.
Sinabi kamakailan ni Peñalosa, dating World Boxing Council (WBC) super flyweight champion, na hindi siya nabibigyan ng Golden Boy ng malalaking laban sa kabila ng pagiging WBO bantam-weight titlist.
Pakiramdam ng tubong San Carlos City, Cebu na ginigipit siya ng Golden Boy bilang ganti na rin sa eight-round TKO ng kanyang kumpareng si Manny Pacquiao kay Dela Hoya noong Disyembre 7.
“Sa pagkakaalam ko ngayon, talagang ginigipit nila ako,” ani Peñalosa sa Golden Boy. “Through internet nalaman ko na may purse bid na pala. Na-feel ko na parang inisahan nila ako. Pero okay lang ‘yon. Part ‘yon ng boxing eh.”
Nakatakda ang purse bid para sa ikalawang sunod na mandatory title defense ni Peñalosa laban kay Puerto Rican challenger Erik Morel sa Enero 12 sa headquarters ng WBO sa Puerto Rico.
“Siyempre, unfair ‘yan sa part natin na buong Pilipinas na Filipino tayo, champion tayo at sana tayo ang magdedepensa sa sarili nating bansa. Pero gusto nila doon gawin ang laban sa Puerto Rico,” ani Peñalosa.
Para makawala sa bakuran ng Golden Boy, humihingi ang nasabing promotional outfit kay Peñalosa ng $250,000.
Makaraan ang kanyang eight-round TKO kay Thai challenger Ratanachai Sor Vorapin noong Abril 6 sa Araneta Coliseum para sa una niyang title defense, hindi na nakakuha muli ng laban si Peñalosa. (Russell Cadayona)