Asahan sa 2009 (Unang bahagi)
Akala natin, mabigat na ang nakaraang taon para sa mga mahihilig sa sports. Sigurado ngayong 2009 na, mabubundat tayo sa mga malalaking kaganapan sa loob at labas ng bansa. Bilangin natin ang mga ibang mangyayari, mula simula ng taon hanggang huli.
Pagkilos ng ABAP. Sisimulan na ng bagong liderato ng Amateur Boxing Association of the Philippines ang paglatag sa mga plano nila para sa mga susunod na taon. Kabilang dito ang pagkakaisa ng lahat ng malalaking boxing promoter at gym sa bansa, at ang paghahanap ng mga magiging bagong haligi ng ating Pambansang koponan, mula sa Northern Luzon, Visayas at Mindanao. Medyo magmamadali ang ABAP dahil nasa kalendaryo sa Disyembre ang Southeast Asian Games sa Laos.
Problema sa mga NSA at POC. Bagamat sinasabi ng bagong-halal na liderato ng Philippine Oympic Committee, hindi pa naaayos ang kanilang mga problema. Di kukulangin sa dalawang grupo sa mga national sports association na bumoto sa kasalukuyang pangulong si Peping Cojuangco ang may inihahandang dokumento upang patunayang di karapat-dapat bumoto ang kanilang mga kinatawan sa huling eleksyon. Kung magpapatuloy ito, ano ang magiging epekto sa nakaraang botohan?
Linis-bahay ng PSC. Maghihigpit na ang Philippine Sports Commission sa mga NSA na matigas ang ulo’t ayaw ilabas ang kanilang mga liquidation para sa mga nakaraang pagsasanay at international competition. Dalawa pa naman dito ang pinanggagalingan ng napakaraming medalya dapat. Nagbitaw na ng salita si PSC chair Butch Ramirez na hindi rin nila susuportahan ang mga NSA na basta-basta nagtatanggal ng opisyal o atleta. Hindi papayag ang ahensya na madamay sa pamumulitika ng ilang pinuno ng NSA, kaya’t may mga parusang ipapataw ito.
Torneo ng FIBA-Asia. Di kukulangin sa sampung torneo ang sasalihan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa 2009. Makikita na natin sa aksyon ang PBA men’s team, collegiate men’s team, ang bagong women’s team, at ang bagong youth team. Magsi-simula ang labanan sa 9th SEABA Champions Cup sa Marso. Halos lahat na ng nabanggit na koponan, isponsor at manlalaro ay kumpleto na, liban sa Youth team, na magkakaroon ng try-outs simula bukas.
NBA All-Star Weekend Slam Dunk Contest. Mata-pos ang matagal na pagmu-muni-muni, sinabi ni Dwight Howard ng Orlando Magic na dedepensahan niya ang kanyang All-Star Weekend Slam Dunk title sa Phoenix sa Pebrero. Pero di natuwa ang mga fans ng NBA sa pagsali ng mga di-gaanong bigatin tulad ng dating kampeon na si Nate Robin-son ng New York Knicks at Rudy Gay ng Memphis Grizzlies. Ang ikaapat na lahok ay pipiliin ng mga fans kina Rudy Fernandez, Russell Westbrook o Joe Alexander. Walang ibang bigating player ang lalahok.
Sa Linggo, iba pang nakakalendaryo sa 2009.
- Latest
- Trending






















