Bunga ng kakulangan ng suporta sa kanya, ipinahayag na ni Filipino world bantamweight champion Gerry Peñalosa ang pagalis sa kampo ng Golden Boy Promotions.
Ayon sa 36-anyos na si Peñalosa, hindi niya nararamdaman ang solidong suporta sa kanya ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya sa kabila ng kanyang pagiging kampeon sa World Boxing Organization (WBO) bantamweight division.
“Sinabi ko na sa kanila na gusto ko nang umalis kasi hindi nila ako nabibigyan ng magandang laban at suporta considering na world bantamweight champion ako,” pighati ni Peñalosa.
Matapos ang kanyang eight round TKO kay Thai challenger Ratanachai Sor Vorapin noong Abril 6 sa Araneta Coliseum para sa una niyang title defense, hindi na nakakuha muli ng laban ang tubong San Carlos City, Cebu.
Ilan sa mga laban ni Peñalosa na hindi natuloy ay ang non-title fight kina Mexican Abner Mares at Nestor Rocha at isang tune-up fight kay Heriberto Ruiz.
Isang purse bid sa Enero 12 sa Puerto Rico ang agad na iniutos kamakailan ng WBO para sa ikalawang sunod na mandatory title defense ni Peñalosa laban kay Puerto Rican challenger Erik Morel.
“Kung gusto ko raw umalis sa Golden Boy kailangan kong magbayad ng $250,000,” pagbubunyag ni Peñalosa sa nasabing promotional outfit ni Dela Hoya. “Sabi ko nasabi ko nang aalis ako sa kanila, kaya hindi na talaga ako babalik.”
Ang Top Rank Promotions ni Bob Arum ang nasa prayoridad ni Peñalosa na lilipatan mula sa bakuran ng Golden Boy, nagbigay sa kanya ng pagkakataong hamunin si Mexican Jhonny Gonzales kung saan siya umiskor ng isang seventh round TKO para agawin ang suot nitong WBO bantamweight belt noong Agosto 11 ng 2007 sa Sacramento, California. (Russell Cadayona)