RP-Tagaytay hindi nakahirit sa Al Ain
Tinapatan ni GM Wesley So ang husay ng batang Super GM na si Sergey Kariakin pero hindi nakasabay ang ibang kakampi upang lasapin ng RP-Tagaytay City ang .5-3.5 kabiguan sa kamay ng host City Al Ain sa pangapat na ikutan ng Asian Club Chess team championship sa United Arab Emirates.
Ang 15-anyos na si So na naghari sa Dubai Open Championship nitong Abril ay nakahirit ng tabla laban sa 18-anyos pero Super GM na si Kariakin (ELO 2730) upang mapigilan ang sana’y shutout na kabiguan sa bansa.
Ang ibang kasapi ng koponan na sina GM John Paul Gomez, GM Mark Paragua at GM Darwin Laylo ay yumuko naman kina GM Zahar Efimenko ng Ukraine, GM Baadur Jobava ng Georgia at GM Li Chao ng China sa boards two hanggang four.
Sa pangyayari umangat ang Al Ain sa unang puwesto sa 4 na puntos habang ang RP-Tagaytay na mayroong tatlong puntos ay nakasalo ngayon sa ikatlo hanggang ikasiyam na puwesto.
Ang kabiguan din ang tumapos sa naunang malakas na simula ng pambansang delegasyon na naunang nanalo sa Al Shuolaa ng Yemen, 4-0, Mon-Cad ng Mongolia, 3.5-.5, at Tajikistan Chess Club, 4-0.
Sumalo naman sa liderato ang Qi Yuan ng China na hiniritan ng 2.5-1.5 panalo ang Club India.
Kapantay ng RP-Tagaytay ang mga koponan ng Vietnam Victory Club, Club India, Fajr Shams ng Iran, Chirchik ng Uzbekistan, Club Intches ng Singapore at Al Ain-B.
- Latest
- Trending