Pacquiao-Cotto match malaki ang posibilidad
Kung nangyari ang ‘Dream Match’ nina Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya, bakit hindi ang bakbakan ng Filipino boxing superstar at ni Puerto Rican two-division champion Miguel Cotto.
Ito ang pahayag kahapon ng trainer/uncle ni Cotto na si Evangelista Cotto kaugnay sa posibleng pagtatapat ng 30-anyos na si Pacquiao, ang bagong ‘best pound-for-pound boxer’, at ng 28-anyos na si Cotto sa 2009.
“I wouldn’t doubt it,” ani Evangelista sa Pacquiao-Cotto welterweight fight. “Anything is possible. We are going to have to see what happens.”
Matatandaang inulan ng kritisismo ang pinangarap na ‘Dream Match’ ng 5-foot-6 na si Pacquiao at ng 5’10 1/2 na si Dela Hoya kung saan umakyat si “Pacman” sa welterweight (147 pounds) at bumaba naman si “Golden Boy” mula sa light middleweight division para sa kanilang non-title bout noong Disyembre 7.
Isang eight-round TKO ang kinuha ni Pacquiao laban sa 35-anyos na si Dela Hoya sa naturang laban.
Ayon kay Evangelista, parehong nasa Top Rank Promotions ni Bob Arum sina Pacquiao at Cotto bukod pa sa isang one-inch height advantage ng dating world welterweight titlist at ang pareho nilang 67-inch reach.
Kung mananalo si Pacquiao kay Briton world light welterweight king Ricky Hatton sa kanilang upakan sa Mayo 2 ng 2009 at ang pagiging retirado pa rin ni Floyd Mayweather, Jr., si Cotto ang dapat lang na makalaban ng tubong General Santos City.
Kasalukuyang naghahanda si Cotto, hinubaran ni Mexican Antonio Margarito ng World Boxing Association (WBA) welterweight title via 11th-round TKO noong Hulyo 26, sa kanyang laban kay
Michael Jennings sa Pebrero 21 para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) welterweight belt.
“I am back to my usual self,” ani Cotto. “I had a problem in my back, but that is something temporary that comes and goes. Everything is doing good. The fight date is February 21 and there’s still time.” (R.Cadayona)
- Latest
- Trending