Baguio, Cruz, magdedebut sa Air21

Inaasahang ang pagdating nina Cyrus Baguio at Celino Cruz ay magpapalakas ng kampanya ng Air21 sa KFC PBA Philippine Cup na mag-sisimula ngayon ng wild card phase sa Araneta Coliseum.

Imbes na samahan ang dating team na Red Bull sa maagang pagbabakasyon bunga ng pagkakasibak sa kontensiyon, magde-debut sina Baguio at Cruz para sa Express na sasagupa sa Purefoods sa main game sa alas-6:30 ng gabi.

Samantala, kailangang tumugon ang Red Bull at Air21 sa mga ‘concern’ ni PBA Commissioner Sonny Barrios at siguraduhing sumunod sa mga batas at alituntunin ng liga.

Ito ang kondisyon ni Barrios nang kanyang aprobahan ang napagkasunduang trade ng Bulls at Express kung saan ipinamigay ng Red Bull sina Cruz at Baguio kapalit ng 2011 at 2012 first round picks ng Air21.

Kinailangan munang kausapin ni Barrios sina PBA Vice-Chairman Angelito Alvarez ng Air21 at Red Bull Governor Tony Chua sa PBA Office upang linawin ang kanilang kasunduan.

“After the assurances from both Alvarez and Chua that the both teams will positively address the Commissioner’s concerns and will continue to uphold the league’s rules and regulations, particularly those pertaining to the Team Salary Cap, the trade was approved accordingly,” ayon sa press statement ng PBA.

Nagkaroon ng haka-hakang ibebenta na ng Red Bull ang kanilang prangkisa dahil sa sunud-sunod na pag-papakawala nila ng kanilang mga star players. Matunog din ang balitang may problemang pinansiyal ang koponan.

Matapos masibak ang Red Bull na tumapos ng kulelat na 5-13 kartada sa classification round, nakipagkasundo ang Photokina franchise sa Air21 para ibigay sina Baguio at Cruz kapalit ng kanilang 2011 at 2012 first round picks.

Nagtapos ang Air21 sa classification round na may 8-10 kartada katabla ang Purefoods.

Sa isa pang wild card match-up, maghaharap naman ang Coca-Cola at San Miguel Beer sa alas-4:00 ng hapon.

Nakalusot sa wild card phase ang Coke sa kanilang 7-11 record habang tumapos naman ang Beermen na may 9-9 kartada.

Ang mananalo sa dalawang labanang ito ay muling maghaharap sa Miyerkules upang paglabanan ang ikaapat at huling quarterfinal slot.

Makakalaban ng surviving team ng wild card phase sa best-of-three quarterfinal series ang Barangay Ginebra na nakakuha ng No. 3 slot kahit tinapos nila ang classification round na katabla ang Rain Or Shine at defending champion Sta. Lucia sa 10-8 kartada bunga ng kanilang mas mataas na quotient.

Ang Elasto Painters at Realtors ay magsasagupa rin sa hiwalay na best-of-three quarterfinal series.

Nakuha naman ng Alaska na may pinakamataas na 12-6 record at ang pumapangalawang Talk N Text na may 11-7 record ang dalawang outright semis slots na premyo ng top-two teams.

Nakuha ng Tropang Texters ang huling awtomatikong semis slot sa kabayanihan ng kanilang bagong recruit na si Ranidel De Ocampo na umiskor ng buzzer-beating triple upang talunin ang kanyang dating team na Air21, 109-108 sa huling araw ng classification round noong Araw ng Pasko.

Nangyari ito dahil na rin sa panalo ng Ginebra kontra sa Rain Or Shine na naghahabol din sa outright semis slot ngunit sila ay nabigo matapos ang kanilang 63-58 pagkatalo.

May 2.1 tikada na lamang ang nalalabing oras sa laro nang tanggapin ni De Ocampo ang inbound pass mula kay rookie Jason Castro para sa kanyang ringless shot sa harap ng Air21 defender na si Nino Canaleta. (MBalbuena)

Show comments