May maagang Pamasko ang defending champion Harbour Centre mula sa Pharex.
Matapos igupo ng Generix ang Hapee Toothpaste, 88-76 sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City kahapon,
Nabiyayaan ang six-peat seeking Harbour Centre ng awtomatikong semifinal slot.
Nagpamalas ng intensibong laro ang Pharex sa ikaapat na quarter sa pangunguna nina Sean Co, Ronnie Matias at Alfred Gerilla para sa kanilang ikalawang panalo pa lamang sa siyam na laro na nagbigay sa kanila ng pag-asa sa quarterfinals.
Dahil sa ikalimang talo ng Complete Protectors sa siyam na laro, nakasiguro na ng top-two finish ang mga Batang Pier na nangangahulugang pasok na sila sa semis dahil sa kanilang matayog na 8-1 kartada.
Kahit matalo ang Harbour Centre sa kanilang huling tatlong laro, ang tanging makakahabol sa kanilang record ay ang pumapangalawang Magnolia na may 7-2 kartada sa ikalawang puwesto.
Nakasiguro naman ang Bacchus ng quarterfinal slot sa tulong ng pinagsanib na puwersa nina Patrick Cabahug at Paul Lee upang igupo ang Toyota Otis, 78-63 sa unang laro
Nanalasa si Cabahug, tumapos ng 18-puntos, sa huling bahagi ng ikatlong quarter kung saan kinamada nito ang kanyang tatlong tres sa 15-0 run na naglagay sa Energy King sa 59-51 kalamangan, para sa pagsulong ng kanilang record sa 5-5 win loss slate.
Magbabakasyon ang liga bilang pagbibigay daan sa kapaskuhan at magbabalik ang aksiyon sa Enero 6 sa San Beda College Gym.