ANTIPOLO City -- Mula sa 20-point deficit, bumangon ang Coca-Cola at isinalba nila ang mahalagang panalo na tuluyang sumibak sa Red Bull.
Sumandal ang Tigers kay John Arigo na humakot ng 31-puntos, 13 nito sa ikaapat na quarter kung saan nakabangon ang Tigers tungo sa kanilang 88-86 panalo laban sa Bulls sa pag-usad ng umiinit na KFC PBA Philippine Cup sa Ynares Centre dito.
“Halftime sinabihan ko na sila na this is not an ordinary game. Do or die to.. Di naming kailangan umasa sa Sta. Lucia. Kung kailangan natin manalo, we half to win this half,” pahayag ni Coca-Cola interim coach Kenneth Duremdes na nakahinga na ng maluwag dahil sigurado na ang kanilang pagsulong sa wild card phase.
Tinapos ng Tigers ang classification phase na may 7-11 win-loss slate habang nasira ang two-game winning streak ng Red Bull na lumasap ng ika-12 kabiguan sa 17 laro kaya wala nang silbi sa kanila ang huling asignatura kontra sa Realtors.
Determinado ang Red Bull na makalusot sa susunod na round nang kanilang kontrolin ang first half at iposte ang 39-29 kalamangan ngunit unti-unting nakabangon ang Tigers sa paghihigpit ng kanilang depensa sa second half at sa wakas ay agawin ang kalamangan sa tulong ni Ronjay Buenafe na umiskor ng tres at isang basket upang ilagay sa unahan sa kauna-unahang pagkakataon sa larong ito sa 82-80 at di na lumingon pa.
Magpapatuloy ang laro ngayon sa Batangas City kung saan maghaharap ang San Miguel Beer at ang Barangay Ginebra sa Batangas City Sports Complex sa alas-5:00 ng hapon.
Habang sinusulat ang balitang ito ay naglalaban pa ang Air21 (8-8) at league leader na Alaska (10-6) na hangad makuha ang panalong sisiguro sa kanila ng unang semis slot.