Malamang na madagdagan ang karangalan ni Paeng Nepomuceno, ang tanging bowler na nagwagi ng apat na World Cup crown.
Nililigawan ang 51 anyos na si Nepomuceno bilang susunod na pangulo ng Philippine Bowling Congress, na magdadaos ng biennial election sa Jan. 18 sa susunod na taon.
Sinabi ni Steve Hontiveros, long-time PBC president na minsang namuno rin ng FIQ (International Bowling Federation) na ii-endorso niya si Nepomuceno sa pagka-pangulo.
“He would unify the sport because he’s our hero in bowling,” ani Hontiveros, ang secretary-general of the Philippine Olympic Committee.
Unang plano ni Hontiveros na i-endorso si Philip Rillos bilang kanyang kapalit, ngunit may ibang gusto naman si Bong Coo, ang PBC sec-gen--si Nitoy Tamayo.
At upang maiwasan ang hindi pagkakaisa sa PBC members, mas ninais nitong mag-endorso ng ibang katanggap-tanggap sa lahat.
At si Nepomuceno nga ito.
Ang kaliweteng bowler, na kabilang sa Guinness Book of World Records dahil sa kanyang tagumpay, ay hindi pa nakaka-usap tungkol dito habang sinusulat ang balitang ito.
Unang nagwagi si Nepomuceno ng kanyang World Cup noong 19 anyos pa lang siya sa Tehran noong 1976 at sinundan ng isa pang malaking panalo sa Jakarta noong 1980
Si Nepomuceno na napiling Athlete of the Year ng Philippine Sports-writers Association ng ilang beses, ay nagwagi din sa Le Mans, France noong 1992, at sa Belfast, North Ireland noong 1996.
Siya rin ang natatanging bowler na nagwagi ng World Cup sa tatlong magkakaibang dekada, na isang patunay ng kanyang katatagan bilang top-notch bowler.
Sa ilalim ng kanyang pangalan sa Guinness Book of World Records, ang kanyang tagumpay ay nakatatak para sa pinakaraming napagwagiang World Cup, pinakabatang WC champion at pinaka-maraming bowling titles na ngayon ay umabot na sa 118 titles. (Abac Cordero)