Malapit nang ma-plantsa ang Pacquiao-Hatton bout
Bagamat sinabi ng kampo ni Ricky Hatton na wala pang nangyayaring pag-uusap sa kanila ng grupo ni Manny Pacquiao, ibinunyag naman kahapon ng Golden Boy Promotions na ilang detalye na lang ang kulang para mangyari ang laban.
Ito ang sinabi ni Golden Boy Promotions CEO Richard Schaefer sa The Associated Press kung saan itatakda ang light welterweight championship fight nina Pacquiao at Hatton sa Mayo 2 ng 2009 sa Las Vegas, Nevada.
“I’m encouraged by the way it’s going, and I’m talking to the Hattons again,” ani Schaefer. “You really have two of the most popular fighters of their generation fighting each other, and that’s the kind of fight we want to make.”
Habang ang 30-anyos na si Pacquiao ay nasa Top Rank Promotions ni Bob Arum, may promotional contract naman ang kaedad niyang si Hatton sa Golden Boy ni Oscar Dela Hoya.
Nauna nang inihayag ng legal counsel ng 5-foot-7 1/2 na si Hatton na si Gareth Williams na hindi sila papadikta sa gusto ni Arum hinggil sa fight contract ni “Hitman” at ng 5’6 na si “Pacman”.
“This is a fight with tremendous global appeal, and both of them have built up a very strong following here,” wika ni Schaefer sa Pacquiao-Hatton fight. “With Manny’s following in Asia and Ricky’s support in Europe, you could say Las Vegas is the center of everything.”
Ibinabandera ni Pacquiao, umiskor ng isang eight-round TKO kay Dela Hoya sa kanilang non-title welterweight fight noong Disyembre 7, ang 48-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs kumpara sa 45-1 (32 KOs) card ni Hatton.
Kagaya ni Pacquiao, nanggaling rin sa panalo si Hatton mula sa kanyang 11th-round TKO kay Paulie Malignaggi noong Nobyembre 22 sa pagdedepensa ng suot niyang Internatioinal Boxing Organization (IBO) light welterweight crown.
Samantala, pormal na ihahayag ng Golden Boy ang non-title lightweight fight nina Juan Manuel Marquez (49-4-1, 36 KOs) at Juan “Baby Bull” Diaz (34-1, 17 KOs) sa Pebrero 28 sa Houston, Texas. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending