National athletes at coaches may Christmas bonus

May sapat na dahilan pa rin para makitaan ng ngiti sa kanilang mga labi ang mga national athletes at coaches bago matapos ang taong ito.

 Inihayag kahapon ni Philippine Sports Com-mission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez ang pagbibigay nila ng Christmas bonus sa mga national athletes at coaches bago tumiklop ang taong 2008.

Manggagaling ang pondo, ayon kay Ramirez, mula sa remittance ng Philippine Amusement And Gaming Corporation (PAGCOR).

“Kahit na kulang ang remittances sa amin ng mga sources na pinagkukunan natin ng funds, pagdating ng pera namin this month from PAG-COR ay magbibigay kami ng sorpresa sa kanila,” ani Ramirez.

Kumpara sa P7,000 Christmas bonus na ibinigay ng pamahalaan sa mga government employees, inaasahan naman ni Ramirez na sapat pa rin ito para mapaligaya ang mga national athletes at coaches.

 Magiging depende rin ang halaga ng Christmas bonus na ipapamahagi ng sports commission sa ire-remit sa kanila ng PAGCOR.

 “It can be P2,000 or P3,000 or P5,000 kasi depende pa rin ‘yan sa remittance ng PAGCOR sa amin,” wika ni Ramirez. “Hindi naman ito masyadong malaki but hopefully it will serve as a motivation sa kanila.” (Russell Cadayona)

Show comments