Maganda ang araw para sa RP chessers
DRESDEN, Germany — Kahit na nagpapahinga si GM Wesley So, nanalo pa rin ang RP men’s team gayundin ang women’s team sa 38th World Chess Olympiad na ginaganap sa International Congress Center matapos ang tagumpay nina three-time national champion IM John Paul Gomez, GM Darwin Laylo, Catherine Perena, Cheradee Chardine Camacho at Christy Lamiel Bernales, habang nakadraw naman si GM Jayson Gonzales.
Dinurog ni Gomez si Roman Krulich sa 30 moves ng Sicilian Alapin, habang pinabagsak ni Laylo si Jean-Philippe Gentileau sa 49 moves ng Queen’s Gambit Declined sa 2.5-1.5 panalo ng Pilipinas laban sa No. 96 Monaco.
Iginupo ni Laylo, bayani sa 2.5-1.5 pananaig ng RP kontra Algeria, ang lower-rated na si Gentileau (ELO 2158) para maging leading scorer ng mga Pinoy sa kanyang dalawang sunod na panalo.
Nagkasya naman sa draw si Gonzales kay FM Patrick Van Hoolandt.
Nabigo naman si GM Bong Buenaventura, ikalawa sa tatlong rounds, sa topboard na first time nito sa kanyang kapwa GM na si Igor Efimov sa 41 moves ng Pirc.
Nakikisalo ang men’s team sa 14th place overall na may apat na puntos base sa 2-1-0 matchpoint style scoring system na ginagamit ng FIDE sa unang pagkakataon.
Susunod nilang kalaban ang Greece, ang all-GM team sa pamumuno nina GMs Ioannis Papaioannou at Vasilios Kotronmias.
Nanalo naman si Perena kay Mada Eishereif sa 24 moves ng Two Knights, dinurog ni Camacho si Omaima Awad sa 26 moves ng Sicilian at iginupo ni Bernales si Arnali Galai sa 30 moves ng Scandinavian para sa 3.5-.5 panalo ng mga Pinay laban sa No. 11 seed na Yemen.
Naka-draw si Shercilla Cualaban kay Nadmiea Abdalsalam sa 42 moves ng Reti. Susunod na kalaban ng mga Pinay ang Belarus.
- Latest
- Trending