Isang mabigat na triple-bill ang papagitna sa ikatlong linggo ng Shakey’s V-League kung saan itataya ng La Salle ang kanilang malinis na rekord kontra sa karibal na University of Santo Tomas habang tang-ka naman ng Ateneo na maka-rekober mula sa kabiguan sa Adamson sa pagpapatuloy ng aksiyon sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Archers at Tigresses sa duelo ng mga three-time winners bandang alas-4 ng hapon na magsisilbi ding unang pagtatagpo ngayong taon matapos na kapwa hindi naglaro noong first conference ng liga na hatid ng Shakey’s Pizza.
Hawak ang apat na sunod na tagumpay sa single round elims, ang Lady Archers, ay bahagyang pinapaboran kontra sa Tigresses sa kanilang pagasinta sa unang Final Four na puwesto sa torneong inorganisa ng Sports Vision.
Sa kabilang dako, ang UST ay galing naman sa kabiguan mula sa kamay ng Adamson noong Linggo.
Patatatagin naman ng Lady Falcons ang kanilang kampanya sa semis sa kanilang pagtatangka sa ikatlong panalo laban sa Ateneo sa alas-2 ng hapon.
Umaasa naman ang Far Eastern University na makakasabay sa Adamson sa kanilang pagasinta sa kanilang ikatlong panalo laban sa wala pang panalong Lyceum sa alas-6 ng gabi.
Para sa updates at resulta bisitahin ang kanilang website sa www.v-league.ph.
Samantala, ang Ateneo-Adamson game ay ipapalabas sa NBN-4 simula alas-2 ng hapon bukas (Miyerkules) at may replay sa Viva Prime Channel sa Destiny Cable at Makisig Channel sa Sky Cable. Ang UST-La Salle duel ay isasaere sa Huwebes, alas-2 ng hapon habang ang FEU-Lyceum ay sa Biyernes, alas-2 din ng hapon.