Bustamante humahataw rin

Tinalo ni dating world no.1 Francisco “Django” Bustamante ang bagong World 10-Ball champion na si Darren Appleton, 11-6, upang manatiling walang talo matapos makatuhog ng apat na tagumpay at makalapit sa titulo ng 33rd Annual US Open 9-Ball Championship kahapon sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia.

Ang panalo ay nagtakda ng pakikipaglaban ni Bustamante, miyembro ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, ng fifth round encounter sa di kilalang si Oscar Dominguez, para sa kanyang kampanyang maging ikatlong Pinoy na manalo sa prestihiyosong event matapos itong pagtagumpayan ng kanyang mga kapwa Puyat Sports stalwarts na sina dating world champions Efren “Bata” Reyes (1994) at Alex Pagulayan (2005).

Nanatili rin sa winners’ bracket matapos ang apat na araw na kompetisyon ng $250,000-plus tournament na ito ay sina Ronnie Alcano, Lee Van Corteza at Jose “Amang” Parica.

Tinalo ni Alcano, ang tanging lahok ng star-studded Bugsy Promotions ni businessman Perry Mariano, si Canadian Tyler Edey, 11-8, habang nakalusot naman si Corteza ng Negros Billiards Stable ni Jonathan Sy, kay American Shannon Daulton, 11-9. Sa kasamaang palad, isa sa kanila ang malalaglag sa kumplikadong losers bracket dahil sila ang maghaharap sa susunod na round.

Nanaig naman si Parica kay Marcus Chamat ng Sweden, 11-9 at susunod niyang makakalaban si defending champion Shane Van Boening, na nanaig naman sa kababayang si Charlie Williams, 11-6.

Tatlo pang Pinoy ang nakikipaglaban habang sinusulat ang baltang ito na sina Warren Kiamco, Rodolfo Luat at Ramil Gallego.

Show comments