Kapag all-Filipino ang pag-uusapan, ang Purefoods Tender Juicy Giants ay palaging isang matinding contender. Mula pa noong maging miyembro ito ng PBA noong 1988 ay palaging may powerhouse local line-up ang Purefoods kung kaya’t itinuturing itong “force to reckon with” sa All-Filipino conferences.
Katunayan, sa pitong kampeonatong napanalunan ng Purefoods, apat ay nagmula sa All-Filipino conferences. Ang pinakahuli’y noong 2005-06 season kung kailan tinalo ng Purefoods ang Red Bull sa Philippine Cup Finals, 4-2.
Kaya naman tuwing all-Filipino ang torneo ay excited ang mga Purefoods fans sa prospects ng kanilang paboritong koponan. Hindi na naiiba ang kasalukuyang KFC PBA Philippine Cup.
Sa totoo lang, lalong tumaas ang ‘hopes’ ng mga Purefoods fans matapos na muling magkampeon ang Giants sa pre-season tournament kung saan tinalo nila sa huling laro ang San Miguel Beer. Ang sabi nga ni coach Paul Ryan Gregorio ay hindi nila inaasahang mangyayari yon.
Pero dahil sa nangyari nga iyon ay excited na rin pati siya sa tsansa ng kanyang koponan sa kasalukuyang torneo.
Well, nagwagi nga ang Purefoods sa una nitong laro laban sa Red Bull Barakos, 77-73 noong Oktubre 8. Ito’y matapos na magkaroon ng magandang arangkada ang Barakos at idikta nila ang laro sa unang tatlong quarters. Sa fourth quarter na lamang nakahabol ang Purefoods at nagwagi.
Pero pagkatapos ng unang panalong iyon, sumadsad at lumagabag ang mga Giants! Nakalasap sila ng tatlong sunud-sunod na kabiguan.
Una’y dinurog sila ng San Miguel Beer, 111-98 noong Oktubre 10. Sa larong iyon ay nakapagposte pa ng 39 puntos na abante ang Beermen. Pinilit ng Giants na makahabol subalit kinapos na sila.
Pagkatapos ay naungusan sila ng Coca-Cola Tigers sa double overtime, 103-102 noong Oktubre 15.
At noong Sabado ay dinaig sila ng defending champion Sta. Lucia Realty, 69-63 sa ikalawang out-of-town game ng torneo na ginawa sa Panabo City Gym, Davao del Norte.
Maituturing na ‘bad start’ ito para sa Purefoods dahil sa 1-3 ang kanilang record.
Noong nakaraang Philippine Cup ay 8-0 kaagad ang record ng Giants kung kaya’t halos hindi sila nahirapang makamit ang unang automatic semifinals berth at nakadiretso nga sila sa championship round kung saan natalo sila sa Sta. Lucia.
Subalit ngayon ay tila mahihirapan ang Giants.
Oo’t intact naman ang starting unit ni coach Paul Ryan Gregorio. Pero kulang sa suporta buhat sa mga bagong manlalaro.
Marahil sa umpisa ng torneo, makabubuting bigyan na kaagad ni Gregorio ng exposure ang kanyang mga baguhan para mapakinabangan ang mga ito sa kalagitnaan o sa dulo ng elims. Kasi, kung susunugin niya ang mga beterano, baka lalong walang mangyari!